Upisyal na itinatag ng mga progresibong grupo ng estudyante, samahan ng maralita, at akademikong unyon ng University of the Philippines (UP) Diliman ang isang network na titindig laban sa pananalasa ng UP Sustainable Development Goals (SDG) Park at ibayong komersyalisasyon sa kampus noong Hulyo 30. Inianunsyo ang pagbubuo ng Stop UP SDG Park Network sa isang pagtitipon sa barikada ng mga residente sa Pook Malantik, UP Diliman, Quezon City.
Itinatag ang network ilang linggo matapos itirik ng mga residente ang isang barikada noong Hulyo 8 para harangan ang pagpasok ng mga kagamitan sa konstruksyon ng kumpanya. Sa araw na iyon, binuwag at dinahas ng mga tauhan ng “Blue Guard” ng ARMMS Agency, Department of Public Order and Safety, at Quezon City Police District ang mga nagbarikada.
Ang UP SDG Park ay isang 22-ektaryang proyekto ng pribatisasyon ng administrayon ng UP na inilulusot bilang espasyo ng pagkatuto, maka-kalikasan at pagtulong sa mga estudyante at komunidad. Bahagi ng naturang proyekto ang pagtatayo ng golf driving range, mga “maka-kalikasang” pasilidad, negosyong pabahay at iba pang gusali.
Mapalalayas nito ang mga komunidad ng Pook Aguinaldo, Area 17, Malantic, bukid ng Krus na Ligas, CP Garcia, Pook Arboretum at marami pang iba. Tinatayang mahigit 70,000 pamilya ang kabuuang maapektuhan nito. Sa kabila ng paggigiit at dayalogo ng mga residente at magsasakang sa pangunguna ng Samahan ng Mamamayang Nagkakaisa sa Diliman (SAMANA Diliman), hindi pinakinggan ng UP ang kanilang hinaing.
Nagsimula na ang konstruksyon ng walong gusali at isang parke sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay at kabuhayan. Unang itinatayo ang isang negosyong pabahay para sa mga mapalalayas na residente kasabwat ang Department of Human Settlements and Urban Development at Megawide Corporation sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program ng rehimeng Marcos.
Ang itinatag na Stop UP SDG Park Network ay binubuo ng Anakbayan Kolehiyo ng Arte at Literatura, All UP Academic Employees Union-Diliman, Defend The Hood, SAMANA Diliman, UP Diliman University Student Council at UP Office of the Student Regent. Mayroong limang puntong panawagan ang mga organisasyon.
Iginigiit nila ang pagpapatigil at pagbasura sa komersyalidadong UP SDG Park at ang kaugnay na komersyalisasyon at pribatisasyon ng unibersidad. Panawagan nilang bigyang prayoridad ng administrasyon ng UP ang batayang serbisyo sa mga estudyante at kumpletuhin ang konstrusyon ng mga naantalang impastrukturang pang-akademiko.
Ipinatitigil rin ng network ang panghaharas, intimidasyon at pagwasak ng mga tauhan ng UP sa pananim at ari-arian ng mga residente. Nanawagan silang ipaglaban ang karapatan sa lupa, pabahay at kabuhayan ng mga residente at magsasaka ng komunidad ng UP.
The post Network na lalaban sa pananalasa ng UP SDG Park, komersyalisasyon ng UP Diliman, itinatag appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.


