this post was submitted on 25 Jan 2026
2 points (100.0% liked)

Pravda News!

197 readers
622 users here now

founded 3 months ago
MODERATORS
 

Frenchie Mae Cumpio. Wala siyang kasalanan pero bakit siya nahatulan? Walang kasalanan sa iba pang kaso pero “guilty beyond reasonable doubt” sa pagbibigay ng pondo sa mga ‘di umanong terorista.

Hindi lang ito tungkol sa kanya kundi sa iba pang kasalukuyang nakakulong. Batay sa datos ng Karapatan, halos 700 na ang mga detenidong politikal. May matanda, kabataan, magsasaka, manggagawa at marami pang iba. Siyempre, huwag kalimutan ang peryodistang nakakulong.

At hindi basta-basta makalilimutan si Cumpio. Dahil sa epektibong diseminasyon ng sitwasyon niya, naging bahagi na siya ng pandaigdigang kampanya para sa kalayaan sa pamamahayag ng mga grupong tulad ng Reporters Without Borders at Committee to Protect Journalists. Napakarami na ring kinatawan ng mga embahadang bumisita sa Tacloban City Jail kung saan nakapiit si Frenchie. Pati ang United Nations (sa pamamagitan ng Special Rapporteurs), alam ang kanyang pinagdaraanan at kasama na sa panawagang palayain siya.

Mula pa noong inaresto’t ikinulong si Cumpio, tuloy-tuloy na ang pangangampanya para sa kalayaan niya. Hindi ito hiwalay sa panawagang palayain ang tinaguriang “Tacloban 5.” Bukod sa kanya, inaresto noong Peb. 7, 2020 sa Tacloban sina Mariel Domequil, Alexander Philip Abinguña, Marissa Cabaljao at Mira Legion.

Tulad ng iba pang naging biktima ng “tanim-ebidensiya,” inaresto sila ala-una ng madaling araw. Tinutukan ng mga baril ang lima bago pinalabas. Hindi nila nakita ang mga ginawa. Nalaman na lang nila kinalaunan na may mga armas at bombang nakita raw sa kama. Aba, puwede palang ilagay sa ilalim ng unan ang granada, kung paniniwalaan ang mga nang-aresto!

Dahil sa walang pakundangang pag-abuso sa kapangyarihan para busalan ang mga batayang kalayaan, naging pandaigdigang kahihiyan na ang Pilipinas. Sa katunayan, mayroon nang nabuong Media Freedom Coalition Embassy Network in the Philippines na binubuo ng mga embahada ng Austria, Belgium, Canada, Czech Republic, Finland, Germany, Ireland, The Netherlands, Norway, Slovenia, Sweden, Switzerland, Ukraine at United Kingdom. Tulad ng inaasahan, todo-suporta ito sa panawagang ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag at wakasan ang panggigipit sa mga peryodista’t manggagawa sa midya.

Maiuugat ang malawak na suporta kay Cumpio sa matiyagang pakikipag-ugnayan ng mga kasama niya sa iba’t ibang indibidwal at organisasyon sa loob at labas ng bansa. Kailangan ding idiin ang isang simpleng punto: Malinaw kasing walang batayan ang mga kaso. Ito ang dahilan kung bakit na-dismiss ang iba pa.

Sa kaso naman ng “terror financing,” nakabatay lang ito sa testimonya ng apat na ‘di umanong rebel returnees na nagsabing sina Cumpio at Domequil ay nasa isang bulubunduking lugar sa Catbalogan, Samar noong Marso 29, 2019. Kinuha raw nila ang P100,000 na pondo para sa New People’s Army (NPA).

Batay sa pahayag na ito laban sa kanila, nahatulan silang “guilty.” Nakapagtataka lang na noong 2025, nagdesisyon na ang Court of Appeals na pabor kina Cumpio at Domequil hinggil sa natagpuang P557,360 noong inaresto sila. Walang ebidensiyang para ito sa NPA, batay sa sinabi ng mga nagtestigong ang pondo ay nalikom para sa “Stand with Leyte and Samar” na tumutulong sa mga komunidad na apektado ng militarisasyon. Aba, kahit ang mismong Anti-Money Laundering Council ay nagsabing walang ebidensiyang ang mahigit kalahating milyong piso ay para sa NPA.

Hindi pa tapos ang laban kahit nagdesisyon na ang korte. Dapat lang na magsampa ng apela. Ituloy ang pangagampanya para sa kalayaan. Huwag hayaang mabulok sa bilangguan ang mga walang kasalanan.

Frenchie Mae Cumpio. Huwag kalimutan ang kanyang pangalan, kasama ng marami pa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com/

The post Konteksto | Frenchie appeared first on Bulatlat.


From Bulatlat via This RSS Feed.

no comments (yet)
sorted by: hot top controversial new old
there doesn't seem to be anything here